NAGA CITY – Patay ang isang lalaki habang sugatan naman ang isa pa matapos makuryente sa Pamplona at Nabua, Camarines Sur.

Kinilala ang nasawi na si alyas Wilson, 42, residente ng Brgy. Burabod, sa bayan nang Pamplona, habang ang nasugatan ay kinilalang si Alias Angelo, 40-anyos at residente ng Barangay Santiago Old, Nabua, sa nasabing lalawigan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCPT Monica San Juan, Acting Chief of Police ng Pamplona Municipal Police Station, sinabi nito habangmay inaayos ang biktima na si Wilson sa kanilang bubong nang mahulog ito at aksidenteng natamaan ang linya ng kuryente ng CASURECO II.

Agad naman itong nakita ng kanyang pamangkin at humingi ng tulong sa kanyang mga kamag-anak.

Advertisement

Dinala pa sa ospital ang biktima ngunit sa kasamaang palad ay idineklara itong dead on arrival ng doktor.

Samantala, walang balak ang mga kaanak ng biktima na magsampa ng kaso laban sa CASURECO II lalo pa’t inosente ang nasabing kooperatiba at aminado silang aksidente ang nangyari.

Samantala, isa pang lalaki ang nasugatan sa Nabua, Camarines Sur matapos makuryente.

Sa ulat ng Camarines Sur Police Provincial Office, nakita umano ng kapitbahay ang biktima na nakahandusay sa damuhan ng Barangay Santiago Old ng nasabing bayan, matapos nitong marinig ang pagsabog ng transformer kasabay ng pagkawala ng suplay ng kuryente.

Agad namang rumesponde ang Nabua MDRRMO kasama ang mga pulis at dinala sa ospital ang biktima at sa ngayon ay patuloy na nagpapagaling.

Kasunod ng insidente, pinaalalahanan ni San Juan ang publiko maging maingat at suriin ang kanilang kapaligiran, lalo na kung may malapit na linya ng kuryente upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.

Advertisement