NAGA CITY-Na-scam ng halos ₱150,000 ang isang lalaki sa Lucena City sa isang pekeng transaksyon.
Kinilala ang suspek na si alyas Carl, 27 taong gulang, residente ng Barangay Ibabang Dupay, Lucena City. Kinilala naman ang biktima na si alyas Aaron, 31 taong gulang, residente ng Barangay Isabang, Tayabas City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga mula sa Quezon Police Provincial Office, personal aniyang nagtungo ang biktima bandang alas-11:30 ng umaga sa Lucena Component City Police Station at nagpakita ng mga dokumento bilang ebidensya laban sa suspek.
Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, noong Mayo 28 aniya bandang alas-3 ng hapon nagkaroon ng transaksyon ang biktima sa opisina ng Bristol Lucena sa Old Maharlika Highway, Barangay Ibabang Dupay, Lucena City upang bumili ng isang Bristol ATR 160 na nagkakahalaga ng ₱149,900.
Direkta naman aniyang nakipagtransaksyon si alyas Aaron kay alyas Carl na branch manager ng nabanggit na opisina.
Dahil hindi pa raw available ang nabanggit na unit, kinumbinsi aniya ni alyas Carl ang biktima na bayaran ng buo ang unit at nangako pa ito na agad ipoproseso ang release ng motorsiklo kapag available na ito.
Pagkatapos nito ay hindi naman aniya idineposito ng suspek ang pera sa account ng kanilang main office at ginamit lamang ang pera para sa kanyang personal na interes.
Nadiskubre pa ng biktima na hindi opisyal na transaksyon ang kanilang naging transaksyon kung saan ginamit lamang ng suspek ang kanyang posisyon sa Bristol Motorcycle Lucena upang isagawa ang scam.
Nang madiskubre ni alyas Aaron na na-scam ito, pumasok ito sa isang kasunduan kasama ang suspek ngunit hindi rin aniya sumunod si alyas Carl sa kanilang kasunduan, rason upang maghain ng pormal na reklamo ang biktima.
Sa ngayon, hindi pa nadadakip ang suspek habang inihahanda naman na ang criminal complaint laban dito.