NAGA CITY – Patay ang isang mangingisda habang sugatan naman ang isa pa matapos pagbabarilin sa boundary ng karagatan ng Brgy Poctol, San Juan, Batangas at Brgy Manggalang Kiling, Sariaya, Quezon.
Kinilala ang binawian ng buhay na si Alvin Ramirez Protacio, 32-anyos, habang ang sugatan naman ay si Teody Libres, 26-anyos, kapwa residente ng Sitio Aplaya, Brgy Bignay 1, Sariaya, Quezon.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang nangingisda ang mga biktima kasama ang apat na iba pa na sina Gerald Bruce Sison, 30-anyos; Charlon Carandang Ramirez, 25-anyos; Jay Ramirez Protacio, 21-anyos; at isang menor de edad kapwa residente rin ng nasabing lugar, sa naturang bahagi ng karagatan nang dumating ang mga suspek na sina Ernie Dimaculangan; Jayson Dela Cruz; Junior Delos Angeles at Jonathan Dimaunahan, mga bantay dagat at residente ng Poctol San Juan, Batangas.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na sinita ang mga biktima hinggil sa paglabag ng mga ito sa mga batas pandagat.
Napag-alaman din na habang nasa kalagitnaan ng paghuli sa mga ito nang subukan umanong tumakas ng mga biktima dahilan para magpaputok ng baril ang mga suspek.
Ngunit habang hinahabol ang mga ito, bigla na lamang tumigil ang makina ng kanilang motorbanca dahilan naman para tumalon sa dagat sina Sison, Libres, Charlon, Protacio, Sison at isang 13-anyos at habang naiwan naman sa banca si Alvin.
Samantala, natagpuan na lamang sa karagatang sakop ng San Juan, Batangas ang motorbanca na sinasakyan ni Alvin, gayundin ang katawan nito na may isang tama ng bala ng baril sa kaniyang ulo.
Natagpuan din ng isa pang bangka na dumaan sa lugar ang katawan ni Libres at agad na nadala sa ospital para sa asistensya medikal.
Agad ding nagsagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad hinggil sa naturang insidente at napatotohanan na nangayari ang insidente sa baoundary ng nasbaing mga bayan.
Sa ngayon, nagpapatuloy, pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad habang inihahanda na rin ang reklamo at kaso na posibleng isampa para sa naturang mga suspetsado.