NAGA CITY – Nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pinsalang na iniwan ng sunog na sumiklab sa isang pampasaherong bus sa Old Moriones, Ocampo, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay SFO1 Michael Rivero, chief Municipal Investigation Unit at Chief of Operation ng BFP-Ocampo, sinabi nito na nakatanggap sila ng tawag tungkol sa pagsiklab ng sunog malapit sa Old Moriones, sa nasabing bayan.
Dagdag pa rito, nang makarating sila sa lugar, ang apoy ay nasa fully developed stage na habang tumagal naman ng 27 minuto bago naapula ang apoy.
Bago nangyari ang insidente, nakaamoy umano ang konduktor ng bus na parang may nasusunog at nang tingnan nito ang compartment ng makina ay napansin nitong nasusunog ang bus. Agad namang inilikas ang nasa 10 pasahero nito.
Samantala, wala namang naiulat na nasugatan o namatay dahil sa nasabing insidente.
Pinaalalahanan din ng opisyal na dapat mayroong fire protection appliances ang mga sasakyan tulad ng fire extinguisher, magsagawa ng preventive maintenance at mag-post ng emergency hotlines upang agad na makatawag sa kinauukulan kung kinakailangan.
Hinimok din ng opisyal ang lahat na tumawag sa kanilang tanggapan kung sakaling may mga ganitong klase ng insidente.