NAGA CITY- Nakiisa ang isang pribadong paaralan sa bayan ng Goa, Camarines Sur sa National Mourning day bilang pag-alala sa mga naging biktima ng Bagyong Kristine.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Jaime Turiano Esmeda Jr., principal ng Partido College, Goa, sinabi nito na sa kanilang flag ceremony, nasa kalahati lamang ng flag pole ang kanilang bandila bilang pakikiisa sa araw ng pagluluksa sa mga nasawi dahil sa nasabing bagyo.

Samantala, nagpaabot ng tulong ang kanilang paaralan sa mga lugar na pinakaapektado ng bagyo partikular sa Rinconada Area.

Kaugnay nito, patuloy nilang hinihikayat ang mga barangay na ipagpatuloy ang pagsasanay sa mga residente lalo na ang mga out of school youth upang malaman ng lahat kung ano ang dapat gawin sakaling magkaroon ng sakuna upang maiwasan na may mga maitatalang casualties.