NAGA CITY – Hindi pabor ang isang propesor sa Naga City na ipagbawal ang paggamit ng cellphone sa mga paaralan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Vasil A. Victoria, PhD, Propesor sa Ateneo de Naga University, sinabi nito na malaking tulong sa mga mag-aaral ang paggamit ng gadgets lalo na kapag mahirap ang aralin.
Gayunpaman, idiniin din niya na depende rin ito sa guro, sitwasyon, at paggamit nito sa silid-aralan.
Aniya, ang cellphone ay nakakatulong sa mga mag-aaral upang mas malinaw at mas lumalim pa ang kanilang pag-intindi sa itinuturo ng kanilang mga guro o propesor.
Dagdag pa ni Victoria, hindi maipapatupad ang nasabing batas sa lahat ng paaralan o sa lahat ng klase, dahil may mga subject na itinuturo sa isang klase na malaking tulong ang gadgets sa mga guro at mag-aaral kung kaya kailangan na magkaroon ng exeption sa panuntunan na ito.
Binigyang-diin din ng propesor na sa panahon ngayon ang mga cellphone ay hindi lamang ginagamit sa libangan at maaari na ring gamitin sa akademiko.
Sinabi ni Victoria na ginagamit niya ito bilang isang paraan ng komunikasyon sa kanyang mga mag-aaral, kung saan pinapadali nito ang pagbabahagi ng impormasyon, pag-anunsyo ng mga dapat gawin o nakalimutang ibilin at iba pa.
Nangangahulugan ito na mas mabuting magkaroon lamang ng mga restricitons ang paggamit nito sa silid-aralan ngunit hindi ito ganap na alisin at ipagbawal sa mga mag-aaral.