NAGA CITY- Tampok ngayon ang isang public teacher at certified BTS Army sa Sagñay, Camarines Sur matapos na makapagpatayo ng 1-unit classroom gamit lamang ang mga binili nitong k-pop group merchandise.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Kate Chinneroth Tria Argones, guro sa Quilomaon Elementary School, sinabi nito na labis ang kaniyang tuwa at pasasalamat sa mga nakatulong nito upang matapos ang nasabing proyekto.
Ayon kay Argones, buwan ng Marso ng magsimula an kaniyang #HelpBuildAClassroom fundraiser kung saan dito naman ito nakalikom ng pera sa pamamagitan ng pagbebenta nito ng ilan sa kaniyang mga koleksiyon na BTS merchandise sa iba’t-ibang social media account.
Ang nasabing nalikom na pondo ay umabot naman sa mahigit P290,000.
Dagdag pa ni Argones, ginawa niya itong oportunidad na wala pang face to face classes upang maisakatuparan ang nasabing proyekto.
Kung saan, mula sa mga makeshift na classroom na gawa sa kahoy natapos naman ang matibay na konkretong classroom sa nasabing paaralan sa loob ng tatlong buwan.
Sa ngayon, “goal” din ni Argones na marenovate pa ang iba pang mga silid-aralan sa Quilomaon Elementary School at madagdagan pa ang kasalukuyang pitong available na classroom sa nasabing paaralan.