NAGA CITY- Natupok ng apoy ang isang bahay na gawa sa light materials matapos tamaan ng kidlat sa Barangay Tagongtong, Goa, Camarines Sur.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Naga kay senior Fire Officer 3 Emmanuel E. Salva, Deputy Municipal Fire Marshal asin Hepe ng Fire Safety Enforcement Section, sinabi nito na bandang alas-8:40 ng gabi ng bumuhos ang malakas na ulan sa nasabing bayan na may kasama pang mga pagkidlat.
Aniya, ang nasabing bahay ay nasa isolated na parte ng barangay at gawa pa ito sa mga light materials kung kaya’t agad na kumalat ang apoy ng tamaan ito ng kidlat.
Ayon kay Salva, kaagad naman silang rumesponde sa lugar matapos makatanggap ang kanilang opisina ng tawag hinggil sa insidente.
Samantala, umabot naman sa halos ₱9,500 ang iniwan na pinsala ng sunog. At sa ngayon ay pansamantalang naninirahan ang mga biktima sa katabi nitong bahay.
Kaugnay nito, nagsasagawa naman ng mga training, seminars at drills ang kanilang ahensya sa mga piling barangay sa nasabing bayan tungkol sa pagkontrol ng sunog na posible umanong sumiklab anumang oras.