NAGA CITY – Inaresto ng mga awtoridad ang isang senior citizen dahil sa pagdadala nito ng hindi otorisadong baril sa Lagonoy, Camarines Sur.
Kinilala ang suspek na isang 74-anyos na senior citizen mula sa nasabing bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMSgt. Adrian Lirag, Police Community Relations Officer ng Lagonoy Municipal Police Station, sinabi nito na ang nasabing senior citizen ay nakunan ng baril na walang karampatang dokumento habang nakikipag-inuman sa nasabing bayan.
Dahil dito, sinampahan ng kasong pagbalga sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang suspek na mayroong rekomendadong piyansa na P10-K.
Ayon pa sa opisyal, bandang alas-10 ng gabi nang may mag report sa kanilang hepatura na mayroon umanong isang lalaki na may dalang baril habang nakikipag-inuman ito ngunit nang magtungo sa lugar ang kanilang may tauhan ay nadis-armahan na ito ng kaniyang mga kasama.
Ang mga ito na rin ang nagsilbing witness na talagang may dalang baril ang suspek na walang papeles.
Nagpasalamat naman ang mga awtoridad dahil sa naging aksyon ng mga residente sa lugar lalo na ang agad na pagrereport ng mga ito sa mga kapulisan dahil sa peligrong dala nito lalo na at nasa ilalim na ito ng impluwensya ng alak.