NAGA CITY – Walang mapaglagyan ang kasiyahan ng isang tubong Nabua, Camarines Sur matapos na mag rank 1 sa Philippine Navy Marine Officer Candidate School.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Jemel Regis Dayupay, rank 1 sa nasabing paaralan, sinabi nito na labis ang kaniyang naging kasiyahan dahil hindi rin biro ang mga nakasabayan nito na lahat ay pawang mga propesyunal at nagtapos ng iba’t-ibang kurso.
Aniya hindi ito makapaniwala na sya ang hihirangin na rank 1 mula sa 83 na mga kasama nito sa Masakbayan Class 40.
Dagdag pa ni Dayupay puspusan rin ang ginawa nitong pag-aaral at pagsasanay dahil talagang pangarap nitong makapasa at maging isang ganap na sundalo.
Samantala, ang pinagkaiba naman ng kanilang naging eksaminasyon sa iba pang pagsusulit ay dahil dito ay pinaghalong physical at medical training ang sinusukat.
Dito naman makikita kung gaano sila kagaling at katibay o kung kaya nitong malampasan ang mga training na kinakailangan upang mas mapalakas ang kanilang mga katawan at sarili.
Ayon pa dito na kahit gaano pang pagod ang kaniyang nararamdaman naghahanap pa rin ito ng paraan upang malampasan ang exam at training at matupad ang matagal nya nang pangarap na maging isang sundalo.
Payo na lamang nito sa mga nangangarap rin na maging bahagi ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na maging matiyaga at huwag sukuan ang mga pangarap sa buhay upang maabot ito pagdating ng panahon.