NAGA CITY- Dumagsa ang isdang ‘espada’ sa bayan ng Caramoan sa lalawigan ng Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Wheng Briones, spokesperson ng BFAR Bicol, ipinaliwanag nito na ang nasabing biyaya ng mula sa karagatan sa mga residente sa nasabing bayan ay maituturing na natural phenomenon dahil season ng mga ito. Aniya, tuwing season ng mga ‘espada’ ay season rin aniya ng mga tinatawag na balaw, kung saan ito ang kinakain ng mga espada.
Ito rin umano ang dahil ng nakitang pagdagsa ng mga ‘espada’ sa baybayin na sakop na naturang bayan.
Isa pa dito ay dahil sa lagay ng panahon lalo na pag sobra ang pag-ulan na nararanasan.
Samantala, pinaalalahan naman ni Briones ang mga mangingisda hinggil sa alituntunin sa pangingisda. Kapag ang mga nahuhuling isda ay maliliit pa at may tsansa na lalaki pa tulad ng ispada kailangan aniya na ibalik sa karagatan upang mabigyan ng pagkakataon na mag reproduce at magparami pa.
Sa kabilang banda, kinumpirma din nito ang isang nasawi matapos kumain at ginawan pulutan ang inadobong butete sa Virac Catanduanes, habang ang isang kainuman nito ay kritikal ang kondisyon sa ospital, samantalang ang asawa, biyenan at dalawang anak nito ay nakaligtas at nakalabas na rin ng ospital.
Ang mga species tulad ng butete ay talagang mahigpit na pinagbabawal na kainin dahil sa lason na dala nito na walang antidote o lunas. Aniya, sa loob lamang ng 5-30 minuto pwedeng lumabas agad ang sintomas nito na nagreresulta sa pagkaparalisa ng mga labi, dila, pananakit ng tiyan at pagsusuka.
Kaya naman importante aniya ang makinig sa mga eksperto at mga otoridad dahil sa nakamamatay na uri ng isda. Habang ang Fisheries Administrative Order ay mayroong parusa sa lahat ng magbebenta at mag distribute ng butete na haharap sa penalidad at pagkakakulong.