NAGA CITY- Punuan na rin umano ang mga COVID-19 Isolation Facility sa lahat ng bayan ng Camarines Sur dulot pa rin ng pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Mababatid na una nang kinumpirma ng Bicol Medical Center na punuan na rin ang kanilang Isolation Ward.
Kung saan, umapela ang BMC ng tulong sa mga lokal na pamahalaan na maglaan ng dagdag pang mga pasilidad.
Kaugnay nito, ayon kay Dr. Natalie Lazaro , Public Health Unit Head, sa isinagawang press conference ng nasabing ospital, sinabi nito na ang ilalaan na mga bagong facilities ay maliban pa sa nagagamit ngayon ng mga COVID-19 patients.
Samantala, sinabi naman ni Dr Joey Rañola, Infectious Disease Specialist ng BMC na nakalatag na umano ang kanilang surge capacity plan kung saan papalawigin ang mga isolation units na paglalagyan sa mga pasyente.
Ngunit inamin din ng naturang opisyal na sakaling magdagdag ng mga pasilidad kakailanganin din ang dagdag na mga medical staff.
Sa ngayon, muling umapela ng kooperasyon ang BMC mula sa mga lokal na pamahalaan sa nasabing lalawigan dahil pa rin sa krisis na dala ng naturang pandemya.