Photo©web

Kauna-unahang lalahok ang combat troops ng Japan sa Balikatan 2026 exercises kasama ang Pilipinas at Estados Unidos, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Inihayag ni AFP Chief General Romeo Brawner Jr. na gaganapin ang taunang joint military exercises mula Abril 20 hanggang Mayo, at inaasahang ito ang magiging pinakamalaki sa kasaysayan ng Balikatan.

“For the very first time after a very, very long time, combat troops from Japanese Self-Defense Forces will be coming here to the Philippines to join us in the Balikatan Exercise,” ani Brawner.

Ayon sa AFP, nananatiling buo ang plano para sa malawak at mataas na antas ng ehersisyo sa kabila ng umiiral na tensyon sa iba’t ibang bahagi ng mundo, kabilang ang Middle East.

Advertisement

Sinabi ni Brawner na mismong si US Indo-Pacific Command head Admiral Samuel Paparo ang nagkumpirma na hindi maaapektuhan ang Balikatan 2026 ng mga pandaigdigang sigalot.

“Hindi tayo maaapektuhan. Tuloy pa rin ang lahat ng ating mga pinlanong aktibidad at mananatiling pareho ang laki at saklaw ng ehersisyo,” aniya.

Binigyang-diin din ng AFP chief ang kahalagahan ng kooperasyon ng Pilipinas, Estados Unidos, at Japan sa pagsusulong ng isang rules-based international order.

“Kung 81 years ago noong 1945 ay nasa magkaibang panig tayo ng digmaan, ngayon ay magkakasama na tayo sa iisang layunin,” ani Brawner.

Bukod sa Japan, lalahok din ang Australia sa Balikatan 2026. Kabilang sa mga aktibidad ang field training exercises, command post exercises, cyber defense operations, at paggamit ng space technology.

Makikiisa rin sa ehersisyo ang iba pang ahensya ng pamahalaan tulad ng Office of Civil Defense, Philippine Coast Guard, at Philippine National Police.

Advertisement