NAGA CITY – Nagsimula nang ipatupad ng mga awtoridad ang jaywalking ordinance sa Naga City.
Sa naging pagharap sa mga kagawad ng media ni PCol. Erwin Rebellon, Director ng Naga City Police Office, sinabi nitong matagal nang hindi naiipatupad ng maayos ang ordinansa at ngayon ay bubuhayin na ito pa lalo na’t visible na ang mga pedestrian lane sa lungsod.
Humihingi ngayon ang pulisya ng tulong sa lahat upang maipalaganap ang impormasyon hinggil sa nasabing batas upang hindi na mabigla ang mga bisita at residente ng lungsod sa pagpapatupad nito.
Dagdag pa ni Rebellon, inaasahang tataas ang bilang ng mga bumibisita sa lungsod kaugnay ng nalalapit na Penafracia Fiesta at pagbubukas ng isa pang mall sa lungsod.
Kaya naman, nais nilang ipaalam sa lahat ang tungkol sa paghihigpit na ito upang maiwasan ang anumang problema.
Ayon kay Rebellon, nagsimula na ang pagpapatupad ng nasabing ordinansa at awtomatikong mabibigyan ng ticket of violation ang sinumang mahuling lalabag dito.
Layunin nito na mapabuti ang daloy ng trapiko sa Naga City at mapanatili na sa mga pedestrian tumatawid ang mga tao upang maiwasan ang aksidente.
Samantala, pinaghahandaan pa rin ng mga awtoridad ang mga nalalapit na major activities kaugnay ng nasabing fiesta.