NAGA CITY- Sa kabila ng sunod-sunod na kalamidad na naranasan sa Bicol Region, hindi ito naging hadlang para hindi magsaya ang mga residente mula sa Barangay Minto, Guinobatan, Albay.
Ito’y matapos mag-viral ang kakaibang estilo ng paglalaro ng basketball ng mga residente kung saan sa halip na jersey ang suot, tila nagmukhang mga sanggol ang mga manlalaro dahil sa suot na diaper ng mga ito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Barangay Kagawad Gemmar Nacor, sinabi nitong wala aniyang sapat na pondo ang Sangguniang Kabataan para sa isang magarbong Basketball Tournament noong Kapaskuhan at sa Bagong Taon.
Kaugnay nito, para mapasaya ang mga residente, naisipan aniya ni Nacor na gawing kakaiba ang naturang kompetisyon na hindi na kinakailangang gumastos pa ng malaki ng barangay.
Aniya, bagama’t walang malaking halaga na natanggap ang nanalo sa kumpetisyon ngunit makikita sa mga mukha nito ang kasiyahan maging sa mga nanuod lalo na at binuksan ito para lamang sa mga matatanda.
Samantala, mamayang alas 8:00 ng umaga, nakatakda ring simulan ang kaparehong aktibidad sa Mabugos, isa sa mga Sitio ng naturang Barangay.
Nabatid na ang Barangay Minto ang isa sa mga lugar sa Guinobatan na naitala ang mga pagbaha dahil sa pananalasa ng Bagyong Tisoy.