NAGA CITY – Ibinahagi ng Regional Director ng DTI Region 5 na ang pinakamalaking problema sa kasalukuyan ng kanilang ahensya ay ang kakulangan ng budget.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Dindo Nabol, Regional Director ng DTI Region 5, limitado ang kanilang pondo para sa mga proyekto ng kanilang tanggapan.
Sa isinagawang budget briefing ng DTI, P8-B lamang ang pondong ibinigay ng DBM sa DTI, malayo sa hinihiling nilang P19-B.
Dahil dito kailangang mag-isip ng mga paraan ng ahensya para makamit ang target na kayang gawin ng DTI sa kabila ng limitadong budget.
Inamin din ng opisyal na umaasa lamang ang kanilang ahensya sa ibibigay ng mga mambabatas para sa karagdagang pondo na kanilang hinihingi.
Gayunpaman, sa kabila ng nasabing problema, tiniyak din ni Nabol na patuloy silang tumutulong sa MSMEs at patuloy na gumagawa ng mga programa para sa kanila.
Sa ngayon, hinihiling lamang ng opisyal ang tagumpay ng Feria De Camarines tampok ang Pustoriosa ngayong taon.