Agad na kumilos ang House Committee on Justice sa unang araw ng pagdinig matapos maglabas ng subpoena upang ipasumite ang mga Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) at rekord ng imbestigasyon laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa botong 34 pabor, isa ang tumutol at walang nag-abstain, inaprubahan ng komite ang mosyon na inihain ni Joel Chua, chairperson ng House Committee on Good Government and Public Accountability.

Layunin ng mosyon na mag-isyu ng subpoena duces tecum sa Office of the Ombudsman upang pwersahang makuha ang mga SALN ni Duterte.

Saklaw ng subpoena ang kanyang SALN mula noong siya ay alkalde pa ng Davao City (2007–2013 at 2016–2022), pati na ang kanyang mga isinumiteng SALN bilang bise presidente mula 2022 hanggang 2025.

Advertisement

Isinagawa ang hakbang na ito bilang bahagi ng pagbusisi ng komite kung mayroong sapat na batayan o probable cause ang impeachment complaint laban sa Pangalawang Pangulo.

Bukod dito, inaprubahan din ng komite sa pamamagitan ng voice vote ang hiwalay na subpoena na nakatuon naman sa National Bureau of Investigation (NBI).

Inaatasan ang NBI na isumite ang lahat ng rekord ng kanilang imbestigasyon kaugnay ng viral na video kung saan umano’y nagbitiw si Duterte ng banta sa buhay nina Ferdinand Marcos Jr., Liza Araneta-Marcos, at Martin Romualdez.

Ang nasabing mga dokumento ay inaasahang magiging mahalagang bahagi sa pagtukoy ng komite kung dapat bang umusad ang impeachment case laban sa bise presidente.

Advertisement