Inilunsad ngayong Marso 26 ng Kamara ang programang “Biyaheng Damayan”, isang libreng sakay para sa mga commuters mula San Jose del Monte, Bulacan hanggang Quezon City Rotonda. Layunin ng programa na maibsan ang hirap ng mga mamamayan bunsod ng tumataas na presyo ng langis at pamasahe.

Pinangunahan nina House Speaker Faustino Dy at House Majority Leader Sandro Marcos ang inisyatibo bilang bahagi ng suporta sa programa ni Pangulong Bongbong Marcos na tugunan ang krisis sa enerhiya at protektahan ang purchasing power ng mga pamilyang Pilipino.

Ayon kay Marcos, “This is about making sure that government response is felt where it matters most—in the daily lives of our people. Habang tumataas ang presyo ng langis at pamasahe, tungkulin nating tiyakin na may agarang tulong para sa ating mga kababayan.”

Sa ilalim ng programa, apat na bus ng Kamara ang magseserbisyo tuwing Lunes, Huwebes, at Biyernes, sa oras ng peak hour mula alas-5:30 ng umaga hanggang alas-8:00 at mula alas-4:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi. Sakop ng libreng sakay ang ruta mula San Jose del Monte patungong Quezon City Rotonda at pabalik, kabilang ang Fairview Terraces.

Advertisement

Ayon kay House Secretary-General Cheloy Velicaria-Garafil, hindi na kailangan ng special permit mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil opisyal na government vehicles ang gagamitin at walang pasahe na sisingilin.

Advertisement