Photo © web

Pinayagan ng House of Representatives of the Philippines ang pagpapatuloy ng mga pagdinig sa impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte kahit naka-recess ang Kongreso mula Marso 21 hanggang Mayo 3, 2026.

Sa ilalim ng House Resolution No. 982, binigyan ng go-signal ang House Committee on Justice na ipagpatuloy ang mga pagdinig upang matiyak ang maagap at maayos na pagtupad ng konstitusyonal na tungkulin ng Kamara sa pagsisimula ng impeachment cases.

Ang resolusyon ay inakda nina Speaker Faustino Dy III, Deputy Speaker Sandro Marcos, at Minority Leader Marcelino Libanan.

Bukod sa pagpapatuloy ng pagdinig, pinahintulutan din ang komite na ipatupad ang Section 8 ng Rules of Procedure in Impeachment Proceedings na tumutukoy sa proteksyon ng mga complainant at testigo.

Advertisement

Ayon sa resolusyon, maaaring malagay sa panganib ang kaligtasan ng mga kalahok sa impeachment proceedings dahil sa posibleng banta, pananakot, o panggigipit, kaya kinakailangan ang mga hakbang para sa kanilang proteksyon.

Pinapayagan ang komite na tumanggap at magpasya sa mga petisyon para sa proteksyon, at makipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Justice, Philippine National Police, at National Bureau of Investigation.

Maaari rin itong magpatupad ng mga hakbang tulad ng confidentiality protocols at iba pang safeguard upang mapanatili ang integridad ng proseso habang pinangangalagaan ang karapatan ng lahat ng panig.

Layunin ng hakbang na ito na hikayatin ang mga testigo na magsabi ng totoo at tiyakin na hindi maaantala ang pag-usad ng impeachment proceedings laban sa bise presidente kahit nasa recess ang Kongreso.

Advertisement