NAGA CITY- Patuloy ngayon ang panawagan ng kampo ni Vice President Leni Robredo na idismiss na ng Presidential Electoral Tribunal ang protesta ni dating Senator Bongbong Marcos.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Former Naga City Councilor Jun Lavadia, isa sa malapit na kaibigan ng pamilya Robredo, binigyang diin nito na malinaw na ang kinalabasan ng unang recount na isinagawa ng Presidential Electoral Tribunal (PET) na si Robredo ang nanalo.
Ayon kay Lavadia, mas mainam na malinawan na ang mga Pilipino sa isyung ito at dapat na rin tanggapin na lamang ni Marcos ang kanyang pagkatalo sa nakaraang Vice Presidential Race.
Dagdag pa ni Lavadia, mas maigi kung sinunod din ng PET ang Rule No. 65 na nagsasabi na dapat idismiss ang kaso kung mapatunayan na walang pandadaya at walang nabago sa resulta ng bilangan sa mga lugar na pinili ng complainant.
Nabatid na hindi na naiwasang mangamba ng ilang mga taga suporta ni Robredo dahil sa patuloy na pag-delay ng usapin patungkol sa electoral protest.