Hindi tututol ang kampo ni Vice President Sara Duterte kung makakalap ang House of Representatives ng sapat na boto upang ituloy ang impeachment at iakyat ito sa Senado para sa paglilitis, ayon sa kanilang tagapagsalita.

Ayon kay Atty. Michael Poa, spokesperson ng defense team ni Duterte, handa silang harapin ang proseso sakaling makamit ng Kamara ang kinakailangang bilang ng boto upang maisulong ang impeachment complaint.

Sinabi ito ni Poa bilang tugon sa pahayag ni San Juan Representative Ysabel Zamora, na nagsabing kumpiyansa siyang makakakuha ng hindi bababa sa isang-katlong boto ng mga miyembro ng Kamara upang maipasa ang impeachment.

Iginiit ni Poa na nasa kapangyarihan ng House of Representatives ang magdesisyon ukol dito at kung maipapasa ito sa Senado, handa ang kampo ni Duterte na sagutin ang mga alegasyon, gaya ng kanilang kahandaan noong nakaraang taon.

Advertisement

Matatandaang noong Pebrero ng nakaraang taon, na-impeach ng Kamara si Duterte matapos suportahan ng mahigit 200 mambabatas ang reklamo laban sa kanya. Gayunman, kalaunan ay inilipat sa archives ng Senado ang kaso matapos ideklarang unconstitutional ng Korte Suprema ang impeachment.

Sa kasalukuyan, patuloy ang pagdinig ng House Committee on Justice matapos mapag-alamang sapat sa porma, substansya, at batayan ang mga inihain na reklamo.

Samantala, iginiit ni Duterte na dapat ibasura ang mga reklamong ito dahil sa kakulangan umano ng ebidensya.

Binigyang-diin ng kanyang kampo na mas mainam na sa Senado talakayin ang mga paratang, kung saan inaasahang lalabas ang buong katotohanan sa tamang proseso.

Advertisement