Mariing itinanggi ng kampo ni Bise Presidente Sara Duterte ang alegasyong inalok ng hanggang P1 bilyon ang isang testigo sa impeachment case laban sa kanya kapalit ng hindi pagtestigo, at tinawag itong “ridiculous” o katawa-tawang paratang.

Sa pahayag ni Atty. Paolo Panelo, abogado ni Duterte, sinabi nitong walang basehan ang akusasyon at iginiit na nais pa nga ng kampo ng bise presidente na humarap sa pagdinig ang testigong si Ramil Madriaga.

Ayon kay Panelo, mahalaga ang pagtestigo ni Madriaga upang mabigyan sila ng pagkakataong ma-cross examine ito at kuwestiyunin ang umano’y mga maling pahayag laban kay Duterte.

Binigyang-diin din ng abogado na walang kinalaman ang bise presidente sa anumang naiulat na banta laban kay Madriaga at sinusuportahan pa nila ang panawagang dagdagan ang seguridad ng testigo.

Advertisement

Dagdag pa ni Panelo, nais nilang manatiling buhay si Madriaga dahil maaari umano nitong patunayan na gawa-gawa lamang ang mga paratang laban kay Duterte.

Nauna nang ibinunyag ni Madriaga na inalok umano siya ng halagang mula P500 milyon hanggang P1 bilyon kapalit ng hindi pagtestigo sa impeachment proceedings laban sa bise presidente.

Ayon naman sa kanyang abogado na si Atty. Raymund Palad, ipinarating umano ang alok sa pamamagitan ng isang contact na konektado sa ilang fraternity associates ng isang detainee.

Ipinaliwanag ni Palad na hindi hinihingi sa alok na baguhin ni Madriaga ang kanyang testimonya, kundi simpleng huwag lamang umano itong humarap sa pagdinig ng impeachment case.

Sa ngayon, inaalam pa ng mga awtoridad kung ang alok ay nagmula mismo sa isang fraternity associate o sa mga indibidwal na may kaugnayan sa grupong ISIP Pilipinas o “Inday Sara Is My President.”

Ayon sa kampo ni Madriaga, tinanggihan nito ang naturang alok at nananatiling handang tumestigo sa impeachment proceedings.

Samantala, hinigpitan na rin ang seguridad sa paligid ni Madriaga matapos umano itong makatanggap ng mga banta habang nasa kustodiya.

Naglagay na ng karagdagang control gates at mas mahigpit na monitoring ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at National Bureau of Investigation (NBI) upang matiyak ang kaligtasan ng testigo.

Pinag-aaralan din ng kanyang legal team ang posibilidad na ilipat siya sa ibang detention facility upang higit na maprotektahan at mapanatili ang integridad ng kanyang testimonya.

Advertisement