NAGA CITY- Nangako ngayon si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan sa lahat ng mga hog raisers na apektado ng African Swine Fever (ASF) na gagawan ng paraan para sa dagdag na tulong sa mga ito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga sa Senador, sinabi nitong maghahain siya ng resolusyon upang madagdagan pa ang cash assistance na ibibigay ng Department of Agriculture (DA).
Sakaling maging maganda ang resulta, ayon kay Pangilinan, agad niya itong ipapasa kay Agriculture Sec. William Dar.
Aniya, naniniwala siya na karapatan ng mga apektadong hog raisers ang sapat na kompensasyon lalo na ang mga kapos palad na tanging ang pag-aalaga lamang ng baboy ang pinagkakakitaan.
Samantala, nanawagan naman ang Senador sa mga Local Government Units at Philippine National Police (PNP) na isagawa ang ‘quick response’ upang maiwasan pa ang pagkalat ng nasabing sakit.
Nabatid na una nang nagreklamo ang mga hog raisers dahl sa lugi aniya sila sa P5,000 na ibinibigay ng DA kapalit ng mga baboy na ipinasailalim sa culling operations.
Kung maaalala, libo-libong mga baboy na an naipasailalim sa culling operation sa Camarines Sur habang nasa state of Calamity na rin ang Naga City dahil sa epekto ng naturang sakit.