NAGA CITY- Pag-iingat na lamang ang tanging magagawa ng mga Asyano sa gitna pa rin ng tumataas na bilang ng hate crime sa Estados Unidos.
Sa report ni Bombo International Correspondent Vergie Contreras, sinabi nito na bakas pa rin kasi sa kanila ang pangamba lalo na’t hindi nila alam ang pinanggagalingan ng karahasan.
Ayon dito, umaabot na rin sa punto na nagpapatayan na, halimbawa na lamang nito ay ang nangyaring shoot-out sa Atlanta at Colorado.
Aniya, nariyan ang takot na posibleng may bigla na lamang umamba sa kanila habang naglalakad at hindi nila namamalayan.
Nabatid na minsan na ring nabiktima si Contreras ng mga pag-atake kung saan binasag pa ng mga attacker ang salamin ng kaniyang sasakyan na nakaparada lamang.
Kaugnay nito, naniniwala si Contreras na isa sa nagpanaig ng karahasan sa Estados Unidos ay ang dating presidente ng Amerika na si Donald Trump.
Kung saan, nagawa nitong i-weaponize ang tao ng stress, hate, racism at violence na naging dahilan ng pagkakaroon ng rechanneling ng stress sa lahi ng Asyano.
Gayunpaman, payo na lamang nito sa kapwa Asyano na iwasan na lamang aniya ang madalas na paglabas ng bahay lalo na kung walang kasama gayundin ang pagdalo sa mga okasyon.