NAGA CITY- Posibleng madadagdagan pa ang kasong kakaharapin ni dating Congressman Rolando ‘Nonoy’ Andaya Jr.
Ito’y kaugnay sa pagbabanta ng dating kongresista sa buhay ng tatlong indibidwal sa bayan ng San Fernando, Camarines Sur.
Una nang kinilala ang mga biktima na sina Gerald Badola, 39-anyos; Raymond Brimon, 35-anyos at Christopher Balbalosa, 30-anyos at pawang mga trabahador sa pinapagawang kalsada sa kahabaan ng Pasacao papuntang Balatan.
Kaugnay nito, sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLt. Francis Fedil Agnas, Deputy Chief ng San Fernando Municipal Police Station, sinabi nito na habang nagtatrabaho ang nasabing mga biktima nang dumating ang grupo ni Andaya at pinapatigil umano ang mga ito sa ginagawa.
Dito na pinagmumura at pinagbantaan ng dating opisyal ang tatlong indibidwal habang armado ito ng baby armalite.
Ayon kay Agnas, maliban sa grave threat na posibleng isampa kay Andaya, mahaharap din ito sa kasong physical injury.
Dahil dito, isinailalim na rin sa medical examination ang mga biktima at hinihintay na lamang ang paglabas ng resulta para tuluyang umusad ang kaso.
Sa ngayon, tiniyak naman ng kapulisan na bibigyan ng mga ito ng kaukulang proteksiyon ang naturang mga biktima.