NAGA CITY- Patay na nang makita ang katawan ng isang sanggol na inabandona sa Brgy. Mayao Kanluran, Lucena City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na pumunta sa kanilang himpilan ang isang indibidwal na kinilalang si Ulpiano Fedencio Manoy Tabernilla, Officer-In-Charge sa Sanitary Landfill Facility, Lucena City General Services Office, sa nasabing lugar, at ni-report ang patungkol sa nakitang bagong silang na sanggol na lalaki na wala nang buhay.
Sa inisyal na imbestigasyon, nabatid na habang nagkakalkal nang basura ang isang basurero na si Mr. Alvin Bongot, nang makita nito ang isang puting styrofoam box kung saan nakalagay ang nasabing sanggol na mayroon pang pusod.
Agad naman na ipinagbigay-alam ito ni Bongot kay Tabernilla na siya namang humingi nang asistensya sa mga awtoridad.
Sa ngayon, patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang malaman kung sino ang may kagagawan sa nasabing pangyayari.