NAGA CITY- Patay na nang matagpuan ang katawan ng isang hindi pa nakikilalang lalaki sa masukal na bahagi ng ByPass Road, vicinity of Brgy. Mateuna, Tayabas City.

Kinilala ang biktima na nakasuot nang itim na t-shirt, gray at puting pantalon, nasa 30-35-anyos, mayroong KIKO ESMOJO tattoo marks sa kanyang leeg, nasa 5’5 ang taas, katamtamang katawan at mayroong brown complexion.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na nakatanggap ng tawag ang Tayabas City Police Office mula sa isang concerned citizen kaugnay sa nasabing insidente.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad nabatid na pasado alas-9 nang umaga noong Enero 17, 2023 ng matagpuan ng isang barangay tanod na si Rolando Malasmas Caagbay ang katawan ng biktima sa masukal na bahagi ng lugar.

Sinasabi na nakabalot nang packaging tape ang ulo at balikat nito.

Ayon pa sa mga awtoridad na mayroong tama ng bala nang baril ang ulo ng nasabing lalaki.

Pinaghihinalaan naman na pinatay ang biktima sa ibang lugar at itinapon lang sa nabanggit na lugar upang mailihis ang imbestigasyon ng mga awtoridad.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad patungkol sa nasabing insidente.