NAGA CITY – Patay na ng matagpuan ang isang mangingisda habang nagpapalutang-lutang sa karagatang sakop ng Mercedes, Camarines Norte.
Kinilala ang biktima na si Chito Diaz, tinayang nasa 55-anyos at residente ng Purok 1, Barangay 4 sa nasabing bayan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Norte Police Provincial Office, napag-alaman na habang nagsasagawa ng pag-maintenance sa isa pang bangka ang kinilalang si Ronald Vitalicio ng lapitan umano ito ng biktima upang humingi ng panlinis sa kanyang bangka na nakadaong rin malapit sa breakwater ng nasabing lugar.
Ngunit, ayon sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, matapos umano ang ilang minuto, nakita na lamang ni Vitalicio si Diaz na nakataob na ang bangka nito at nagpapalutang-lutang na ito sa dagat at wala ng buhay.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing insidente.Top