Hinikayat ni Atty. Nicholas Kaufman ang mga tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na manatiling mapayapa sa pagpapakita ng kanilang suporta at pagmamahal sa dating lider kasunod ng mga reaksyon sa kanyang pagkakaaresto ng International Criminal Court.
Ayon kay Kaufman, nakakatanggap sila ng maraming mensahe mula sa mga supporters ni Duterte, kabilang na ang mga pahayag ng galit at pagkadismaya kaugnay ng pagkakaaresto ng dating pangulo.
Sinabi nito na noong Marso 11, kasabay ng paggunita sa isang taong anibersaryo ng pagkakaaresto kay Duterte, ay muli silang nakatanggap ng mga mensahe mula sa mga tagasuporta nito.
Dagdag pa ng abogado, ipinaparating nila sa dating pangulo ang lahat ng mensaheng natatanggap mula sa kanyang mga tagasuporta.
Samantala, ipagdiriwang ni Duterte ang kanyang ika-81 kaarawan sa darating na Marso 28 kung saan hinikayat ni Kaufman ang mga supporters na gawin itong isang araw na hindi makakalimutan sa pamamagitan ng mapayapa at positibong pagpapakita ng suporta.
Magugunitang naaresto ang dating pangulo kaugnay ng mga kasong iniuugnay sa kanyang ipinatupad na war on drugs, mula nang siya ay alkalde ng Davao City hanggang sa kanyang panunungkulan bilang pangulo ng bansa.











