NAGA CITY- Magpapatupad ng kaukulang mahigpit na preventive measures ang lokal na pamahalaan ng lungsod ng Naga kaugnay ng peligrong dala ng COVID-19 variants.

Maaalala na kinumpirma mismo ng Department of Health CHD-Bicol na mayroon ng local transmission ng Alpha, Beta at Delta COVID-19 variants sa nasabing rehiyon.

Sa naging pagharap sa mga kagawad ng media ni Naga City Mayor Nelson Legacion, sinabi nito na inaasahan na nila na Delta variant na ang sakit sa lungsod upang mas lalo pang mag ingat ang mga mamamayan sa lungsod.

Kaugnay nito, kabilang sa mga measure na ipapatupad ito ang pagbabawal sa mga senior citizens na lumabas sa kanilang mga bahay kung hindi pa naman fully vaccinated.

Advertisement

Habang tanging ang mga fully vaccinated lamang ang papayagan na bumili ng essential goods sa labas.

Ipagbabawal na rin na lumabas ang mga nasa edad 17-anyos pababa, kung saan magpapatupad naman ng curfew ang lungsod simula alas-9 ng gabi hanggang alas-4 ng umaga.

Aniya, ipaparasado ulit ang mga plaza sa lugar tulad na lamang ng Plaza Rizal, Plaza Quezon at Plaza Quince Martirez.

Samantala, papahabain din ang oras sa pagbabakuna sa mga vaccination sites hanggang alas-8 ng gabi habang nagpapatuloy ang house to house vaccination sa lungsod.

Inaasahan din ito na maaabot na ang 85% na mga fully vaccinated na mga senior citizen upang simulan na ang pagpapabakuna sa mga nasa A4 category o mga essential workers.

Ipinag-utos naman ng alkalde ang pagpapalakas ng contract tracing sa lungsod upang maging mas madaling macontain ang pagkakahawaan ng nasabing virus.

Samantala, sinabi rin ng alkalde na ang nasabing maga safety measures ang ipapatupad naman sa maabot na Agosto 15 hasta petsa 30, 2021.

Advertisement