NAGA CITY- Bagama’t pansamantalang sinuspende ang mga pampublikong transportasyon, kilo-kilometro pa rin ang haba ng trapiko sa mga boundary papasok sa lungsod ng Naga.
Nabatid na mula ng ipatupad ang enhanced community quarantine sa Luzon, mas pinahigpit ng lokal na pamahalaan ng lungsod ang pagmomonitor sa mga papasok at lalabas sa lugar.
Kaugnay nito, hindi basta nakakapasok kahit ang mga private vehicles kung saan umaabot pa ng ilang minuto ang tagal ng pagkuha ng impormasyon ng mga otoridad bago payagang makapasok ang isang sasakyan.
Sakaling wala naman mahalagang pakay sa loob ng Naga, pinabalik na lamang ito ng mga otoridad sa lugar na pinanggalingan.
Maliban sa mahigpit na monitoring para sa COVID-19, ilang sunod-sunod na mga checkpoints pa ang dadaanan ng isang sasakyan dahil nagpapatuloy pa sa lungsod ang Animal Checkpoint dahil sa kaso ng African Swine Fever (ASF).