Umabot sa P2.14 milyon ang kabuuang halagang natanggap umano ni Vice President Sara Duterte mula sa GenCorp Industries Inc. sa loob ng apat na taon bilang pagbabalik ng puhunan o “return of capital,” ayon sa testimonya ng ikaapat na witness ng depensa.
Sa pagdinig noong Miyerkules, Nobyembre 11, kinumpirma ni Atty. Suzette Balucanag-Punay, in-house counsel ng GenCorp at Metro City Chow Foods Corporation, na umabot sa P2,142,369.14 ang kabuuang perang inilabas para kay Duterte mula 2022 hanggang 2025, batay sa corporate records ng kumpanya.
Ipinaliwanag ni Punay na nagmula ang naturang halaga sa tinawag niyang “loose investment” ng Bise Presidente sa Jollibee Times Square branch sa Davao City. Aniya, unang inilagak ang puhunan sa Davao Bounty Times Food Corporation bago ito napunta sa operasyon ng naturang branch.
Gayunman, kinuwestiyon ni Senate impeachment court presiding officer Francis “Chiz” Escudero kung paano umabot sa mahigit P2.1 milyon ang naibalik na puhunan gayong P46,875 lamang ang naitalang capital contribution ni Duterte sa Davao Bounty Times Food Corporation.
Inamin naman ni Punay na wala siyang nakitang nakasulat na dokumentong magpapatunay sa eksaktong halaga ng orihinal na investment. Hindi rin niya maipaliwanag kung paano nakuwenta ang kabuuang halagang ibinalik sa Bise Presidente.
Samantala, inusisa ni Senator-Judge Sherwin Gatchalian kung bakit GenCorp ang naglabas ng pera para sa investment ni Duterte sa halip na ang mga kumpanyang direktang sangkot sa operasyon ng Jollibee Times Square branch.
Binanggit din ni Gatchalian ang posibleng conflict of interest dahil nakakuha rin umano ang GenCorp ng mga kontrata mula sa Davao City government na nagkakahalaga ng P33 milyon, habang naglalabas ito ng mga bayad na iniuugnay sa investment ng Bise Presidente.
Sa kabila nito, iginiit ni Punay na hindi stockholder ng GenCorp si Duterte at wala itong natanggap na dividends mula sa kumpanya.
Gayunman, kinumpirma ng testigo na nakatanggap si Duterte ng pera mula sa GenCorp na itinuring nilang pagbabalik ng kanyang puhunan.










