NAGA CITY- Muli na namang nakaladkad ang pangalan ang kontrobersyal na pari na si Fr. Paul Martino Tirao matapos itong ireklamo ng sariling ina matapos umanong bantaan ang buhay ng kanyang mga kapatid.
Una rito, base sa mga pahayag ni Estrella Tirao, 75-anyos, ina ng naturang pari, nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan sa pagitan nila ng anak na nauwi sa pagbabanta nito.
Sinabi umano ng pari na kung magsusumbong ang mga kapatid ng kanyang ina sa Palasyo ng Archdioces of Caceres, babarilin niya ang mga ito.
Dahil sa takot, agad namang nagreport si Ginang Tirao sa mga otoridad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Kapitan Efren Nepomuceno ng Barangay San Francisco, nagpadala na aniya silang imbitasyon sa pari ngunit hanggang sa ngayon ay wala pa itong tugon.
Kung maaalala, Hunyo 2018 kan biglang naging kontrobersyal ang pangalan ng naturang pari matapos maging suspek sa pagpatay kay Jeraldyn Rapiñan na natagpuang nakahandusay sa isang lugar sa San Fernando.
Ibinunyag din ng pamilya Rapiñan na ang nasabing pari ang ama ng anak ng nasabing biktima.
Buwan ng Nobyembre sa kaparehong taon ng ibasura ng Provincial Prosecutor ang kasong murder na isinampa laban dito dahil sa umano’y kawalan ng sapat na ebidensya.