Kinansela ng Supreme Court of the Philippines ang tradisyunal nitong summer session sa Baguio City ngayong 2026 bilang bahagi ng pagtitipid sa enerhiya sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East.
Ayon sa Korte Suprema, ipinatupad ang desisyon sa ilalim ng Memorandum Circular No. 02-2026 bilang bahagi ng kanilang energy conservation measures. Kaugnay nito, nauna na ring isinagawa ang hybrid work setup sa hudikatura upang mabawasan ang konsumo sa enerhiya.
Inanunsyo ni Chief Justice Alexander G. Gesmundo ang kanselasyon matapos ang konsultasyon sa En Banc. Binigyang-diin niya na nananatiling prayoridad ng Korte ang epektibong paghahatid ng hustisya sa kabila ng kasalukuyang hamon sa ekonomiya.
Sa halip na idaos sa Baguio City, ililipat ang mga sesyon sa Manila mula Abril 6 hanggang 30. Dito rin gaganapin ang oral arguments sa mahahalagang petisyon, kabilang ang usapin sa General Appropriations Act 2024–2026 at foreign divorce.
Ang Baguio summer sessions ay isang matagal nang tradisyon na nagsimula pa noong 1948 sa ilalim ni Manuel Moran.
Nilinaw naman ng Korte Suprema na pansamantala lamang ang hakbang at maaari itong ibalik kapag naging normal na muli ang sitwasyon sa presyo ng langis at enerhiya.














