NAGA CITY – Hiling ngayon ng pamilya ng isa sa Bikolanong sundalo na nasawi sa pagbagsak ng C130 cargo plane sa Jolo Sulu na maiuwi ang labi nito sa Camarines Sur.
Kung maaalala, una ng naiulat na isa sa mga bikolanong binawian ng buhay dahil sa nasabing insidente si Sergeant Jack Navarro, 35-anyos at tubong Bicol.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Naga kay Benjamin Navarro, tiyuhin ni Sergeant Jack Navarro, sinabi nito na nagbabalak pa umano itong umuwi sa kanilang lugar kasama ang kapatid nito upang bisitahin ang kanilang lola.
Aniya, 2011 pa ng huling umuwi sa Baao si Jack matapos na kunin ng kanyang ama at dalhin sa Maynila.
Kung kaya, labis din ang kanilang kalungkutan ng malaman na isa ito sa mga nasawi dahil sa nasabing insidente.
Dagdag pa nito, hindi pa nila malaman kung paano makakabisita sa kaniyang pamangkin dahil na rin sa banta ng COVID-19.
Ayon pa kay Benjamin, mabait at mapagmahal na kapamilya si Jack lalo na sa kanyang lola, kung saan, noong nakaraang linggo bago mangyari ang insidente, nagpadala pa ito ng pambili ng maintenance ng kanyang lola.
Sa ngayon, umaasa na lamang ang pamilya Navarro na masisilip sa huling pagkakataon ang labi ng nasabing sundalo.