NAGA CITY- Arestado ang isang lalaki sa isinagawang buy bust operation ng mga awtoridad sa bayan ng Baao, Camarines Sur.

Kinilala ang suspek na si alyas Jr., 26 taong gulang, residente ng Centro St., Brgy Buluang, sa nasabing bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCPT Liza Jane Alteza, PIO ng Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), sinabi nito na nakabili ang poseur buyer ng isang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu mula sa suspek gamit ang P1,000 bilang buy bust money.

Bukod dito, nakumpiska rin sa suspek ang anim na piraso ng iligal na droga na tumitimbang ng isang gramo at nagkakahalaga ng humigit-kumulang P6,800.

Dahil dito, mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang street level individual.

Samantala, muli naman nanawagan ang opisyal sa publiko na makipagtulungan sa kanila para matigil na ang paggamit at pagbebenta ng ilegal na droga.

Gayundin, sa mga kabataan na hindi mahikayat na gamitin ito dahil ito ay makakasira lamang sa kanilang kinabukasan.

“Sana po.. mag kaisa tayo, laban sa ilegal na droga at sa mga nag dedepensa nito..” ayon kay Alteza

Dagdag pa nito “Pwede po ninyo ipaalam sa amin through our hotlines, ang ating pong mga hotlines numbers makikita nyo po yan sa mga pages o mga fb pages ng ating mga police stations sa buong Camarines Sur.”