NAGA CITY – Patay ang isang lalaki at isang sarong menor de edad matapos na malunod sa Sitio Aplaya, Barangay Bignay, Sariaya Quezon.

Kinilala ang mga biktima na sina Oscar Bascugin Lumibao, Jr., 31-anyos, at isang 17-anyos na menor de edad, kapwa residente ng Barangay Marinig, Cabuyao, Laguna.

Sa nakalap impormasyon na Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), napag-alaman na nakatanggap ng tawag galing sa isang concerned citizen ang Sariaya Municipal Police Station (MPS) hinggil sa nasabing insidente.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na bago ang insidente pumunta ang mga biktima kasama ang kanilang mga kapamilya sa isang beach resort para mag-swimming.

Ngunit, bigla na lamang aniya na nawala sa paningin ng kanilang mga kapamilya ang mga biktima.

Matapos ang ilang oras nakita na lang na nagpapalutang-lutang na ang katawan ng mga biktima malapit sa baybayin.

Samantala, naidala pa naman sa ospital ang mga biktima ngunit idineklara ring dead on arrival ng mga doktor.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.