NAGA CITY – Dead-On-Arrival ang isang lalaki matapos malunod sa isang beach resort sa Brgy. Lubayat, Real, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Ryan Mallare, 40-anyos residente ng Brgy. Cogeo, Antipolo, Rizal.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang ang biktima at ang mga kaibigan nito ay nag-outing sa isang beach resort sa nasabing barangay, nang bigla na lamang tangayin ng malakas na alon ang biktima habang naliligo.

Sa inisyal na imbestigasyon pa ng mga awtoridad, napag-alaman na agad naman sanang dinala sa ospital ang biktima para sa asistensiya medikal ngunit idineklara rin itong dead-on arrival ng mga doktor.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.