Patay ang isang lalaki matapos na matupok ng apoy ang kaniyang bahay sa Tinambac, Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na isang 57-anyos, residente ng Zone 6 Barangay, Santa Cruz sa nasabing bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay FO1 Bridgette Estallo, Public Information Officer ng BFP-Tinambac, sinabi nito na natagpuan ang katawan ng biktima sa loob mismo ng kanyang nasusunog na bahay.
Ayon pa kay Estallo, sunog na ang buong katawan ng biktima na pinaniniwalaang nasa mahimbing na pagtulog ng mangyari ang insidente.
Dagdag pa ng opisyal, madaling araw na umano nangyari ang insidente at hindi magkakadikit ang mga kabahayan kung kaya hindi agad napansin ang sunog.
Batay naman sa paunang report, mag-isang naninirahan ang biktima sa nasabing residensiya habang ang mga anak naman nito ay nagta-trabaho sa Metro Manila.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad upang malaman ang pinagmulan ng sunog.
Sa ngayon, inabisuhan na lamang ni Estallo ang publiko na palagiang i-check ang kanilang mga wirings at iba pang mga kasangkapan sa bahay upang hindi pagsimulan ng sunog.