Lalaki nabentahan ng pekeng gold bars; P300-K natangay ng mga suspek

NAGA CITY- Pinaghahanap na ngayon ang mga suspek na nangbudol ng nasa P300-K na halaga sa isang indibidwal sa Bato, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Arnold Servan, 48-anyos, residente ng Barangay Inarawan, Antipolo City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMaj. Andrew Alcomendas, Acting Chief of Police ng Bato Municipal Police Station (MPS), sinabi nito na nakipagkita umano ang biktima sa mga suspek na kinilalang sina Rodel Fernandez, at isa pang lalaki na kinilala lamang sa alyas na ‘Denden’, kapwa residente ng Sitio Yungib, Burias Island, San Pascual, Masbate para sa Gold Bars.

Advertisement

Dagdag pa nito, sa nasabing transaksiyon, nagbayad umano si Servan ng P200,000 para sa mga gold bars na nakabalot pa sa isang plastic na sako.

Kaugnay nito, inalok pa umano ng mga suspek ang biktima para sa dagdag na gold bars kung kaya hiniram ng mga ito ang cellphone ng biktima para kunan ng picture ang naturang mga gold bars.

Ngunit nang pagbalik ni Servan sa sasakyan nito, dito na nito napansin na peke ang gold bars na binigay sa kanya ng mga suspek kung kaya dali-dali itong bumalik sa lugar kung saan isinagawa ang transaksiyon ngunit tila naglaho na parang bula ang mga suspek.

Ayon pa kay Alcomendas, maliban sa P200,000 na halaga na ibinayad nig biktima, una na itong nagbigay ng P100,000 sa mga suspek para hindi na maibenta sa iba ang nasabing mga gold bars.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagwang imbestigasyon ng mga awtoridad lalo na ang pagtunton sa posibleng kinaroroonan ng mga suspek.

Advertisement