NAGA CITY- Nagpapatuloy ang imbestigasyon matapos matagpuang wala ng buhay ang isang empleyado sa Engr. Macaraig Farm sa Brgy. Binanuaanan Grande, Calabanga, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Virgilio Bronzal, isang farm worker at driver, residente ng Brgy. Paolbo, Calabanga, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLt Mark España, Calabanga MPS, sinabi nito na tinitingnan umanong anggulo ngayon sa nasabing krimen ay ang posibleng pagnanakaw dahil sa mga high breed na manok sa nasabing farm.

Ayon kay España, base sa imbestigasyon una umanong natagpuan ang biktima ng mga kasamahan nito na wala ng buhay sa masukal na parte ng nasabing farm.

Nabatid na puno ng saksak, galos, bali ang kaliwang braso, at tama sa ulo kung saan senyales lamang umano ito na nanlaban pa ang biktima.

Dagdag pa nito posible umanong hindi lamang isa ang suspek na nasa likod sa nasabing krimen.

Kaugnay nito, nabatid na nawawala rin umano sa nasabing biktima ang wallet at cellphone nito.

Sa ngayon nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing krimen.