NAGA CITY – Patay ang isang lalaki habang sugatan naman ang tatlong iba pa matapos ang nangyaring karambola ng tatlong sasakyan sa Atimonan, Quezon.

Kinilala ang binawian ng buhay na si Leonor Pedro Malbida Jr., habang ang mga sugatan naman na sina Bobby Escultura, 37-anyos; Leoncio Borre, 49-anyos; Marites Barrios, 54-anyos at Ronilo Petros, 59-anyos.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang minamaneho ng suspek na si Sherwin Baisa, 37-anyos ang jeep nito nang mawalan ito ng kontrol sa nasabing behikulo.

Dahil dito, nabangga nito ang nakapark na van kung saan sakay nito si Escultura at dito naman nabangga ng motorsiklo na minamaneho naman ni Michael Bucu ang kanang bahagi ng jeep.

Dahil sa nasabing insidente, naipit sa jeep si Malbida na naging dahilan ng agaran nitong pagkamatay at pagkakasugat naman nila Escultura, Barrios at Petros maging ang mga suspek na sina Baisa at Bucu.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.