NAGA CITY- Patay ang isang lalaki matapos na mabangga ang minamanehong bisikleta ng isang behikulo sa Pagbilao, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Catalino Garcia Gamban, 58-anyos, residente ng Sitio Pulong Guiting, Barangay Silangang Malicboy sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), napag-alaman na habang binabaybay ni Gamban ang National Highway sa nasabing lugar gamit ang kanyang bisikleta nang aksidente itong mabundol ng behikulo na minamaneho naman ng suspek na si Gilberto Austrial Lagran, 46-anyos.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na nagtamo ng sugat sa ibat-ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima.

Agad naman na dinala sa ospital ang biktima para sa asistensya medikal ngunit idinekla ring dead on arrival ng mga doktor.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek para sa kaukulang disposisyon.