NAGA CITY- Patay ang isang lalaki matapos mabundol ng isang truck ang minamaneho nitong motorsiklo sa Brgy Pinit, Ocampo, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Jorex Delfino residente ng Brgy. Salvacion sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), napag-alaman na pansamantalang hininto ni Delfino ang minamaneho nitong motorsiklo upang bigyan sana ng daan ang isa pang truck nang bigla na lamang itong nabundol ng isang dump truck na mula pa sa may Brgy. Hanawan sa nasabing bayan na minamaneho ng kinilalang si Edcel Joseph Rabusa, 19-anyos, residente ng San Jose, Pili, sa nasabing lalawigan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na dahil sa insidente, agad na binawian ng buhay ang biktima. 

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.