NAGA CITY – Patay ang isang lalaki matapos malunod habang nagpapana ng isda sa Manibago River, Barangay Poblacion Norte, Paracale, Camarines Norte.
Kinilala ang biktima na si Albert Villanueva 20-anyos, residente ng nasabing lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Mark Lalim, Rescue and Planning Officer ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO)-Paracale, napag-alaman na napagkatuwan umano ng biktima kasama ang isa pa nitong kaibigan na pumana ng isda sa isang ilog sa nasabing bayan.
Naisipan din umano ng mga ito na mag-dive sa malalim na bahagi ng tubig na may lalim na hanggang 10 talampakan.
Ngunit sa kasamaang palad inanod umano ang biktima ng malakas na agos ng tubig.
Dagdag pa ng opisyal dahil nasa malalim na bahagi na ng tubig ang biktima kung kaya hindi na ito agad nasagip na naging dahilan naman ng kaniyang kamatayan.
Samantala, nagpaalala na lamang si Lalim sa publiko na mag-ingat habang nasa mga katubigan o karagatan para makaiwas sa anumang insidente.
Sa ngunyan hangad na lamang ng opisyal na maging responsable ang lahat sa kanilang mga buhay at panatilihin ang kaligtasan ng lahat.