NAGA CITY – Patay ang isang lalaki matapos malunod sa karagatang sakop ng Sitio Baybay Brgy Amontay, Macalelon, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Roel Piguerra, 41-anyos, residente ng Brgy. Castillo, sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na natagpuan na lamang ang wala nang buhay na katawan ng biktima sa nasabing lugar.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na huling nakita ng kaniyang mga kamag-anak ang biktima na nasa ilalim ng impluwensiya ng alak sa Brgy. Castillo ngunit hindi na nakauwi pa.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.