NAGA CITY- Patay ang isang hindi pa nakikilalang lalaki matapos na pagbabarilin sa Balatan, Camarines Sur.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na habang kumukuha ng tubig sa ilog ang live-in partner ng biktima na kinilalang si Jessa Flores, 26-anyos, sa Brgy. Camangahan sa naturang bayan ng makarinig ito ng putok ng baril.

Dahil dito, agad namang bumalik sa kanilang bahay si Flores at dito na nito napag-alaman na dinukot ng limang kalalakihan ang biktima, ayon naman sa naging pahayag ng kanilang anak.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na agad nitong hinanap ang biktima at sa may magubat na bahagi ng Zone 4, Brgy. Camangahan sa nasabing bayan natagpuan ang naturang biktma na nakahiga sa lupa habang mayroong tama nang bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan nito na naging dahilan sa agaran nitong kamatayan.

Sa ngayon, patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad gayundin ang paghahanap sa posibleng pagkakakilanlan at kinaroroonan ng mga suspek.