NAGA CITY – Patay ang isang lalaki matapos na mabangga ng isang van sa Barangay San Vicente, Gumaca, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Francis Segarra Sunga, 26-anyos, residente ng Brgy Binambang sa nasabing bayan.

Sa nakalap ng impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabagtas ng van na minamaneho ni alyas Jessie, 39-anyos, residente ng Concepcion St. Caniugan, Pasig City, ang kahabaan ng Maharlika Highway sa nasabing barangay patungo sa Metro Manila, ng bigla na lamang tumawid ang biktima dahilan upang mabangga ito ng van.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na dahil sa insidente nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan ang biktima na agad naman sanang isinugod sa pagamutan para sa asistensya medikal ngunit ideklara rin itong dead-on-arrival ng doktor.

Sa ngayon nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.