NAGA CITY – Patay ang isang pinaghihinalaang informant ng Armed Forces of the Philippines matapos na pagbabarilin ng tatlong hindi pa nakikilalang suspek sa Brgy. Baya, Ragay, Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na si Rolando Martillan, 60-anyos, residente ng nasabing lugar.
Ayon kay PSSgt. Michael Broso, imbestigador ng Ragay Municipal Police Station, na ayon umano sa naging pakikipag-usap nila sa anak ng biktima na si Warren Martillan na kasama nito ng mangyari ang insidente, habang pauwi ang mga ito galing sa bukid na parte ng nasabing bayan ng may makita silang tatlong lalaki na armado ng rifles.
Aniya, agad naman umanong inutusan ni Rolando ang anak nito na tumakas.
Dagdag pa ni Broso, dahil sa pagiging informant umano ng AFP ng biktima pinaniniwalaang mga miyembro ng makakaliwang grupo ang nangbaril sa biktima, ito’y dahil kung maaalala, nagkaroon ng engkwentro sa lugar malapit sa pinangyarihan ng nasabing insidente noong Disyembre 12 noong nakaraang taon.
Ayon naman sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad nagtamo ngtatlong tama ng bala ang biktima mula sa caliber 5.56 na baril ngunit sa ngayon hinihintay pa nila ang resulta ng medico legal nito upang malaman ang eksaktong bilang ng tama ng bala na tinamo ni Rolando.
Naging mahirap naman umano para sa kanila ang pumasok sa nasabing lugar dahil ito’y kinokonsiderang kuta ng mga rebeldeng grupo.
Sa ngayon, nahihirapan rin umano silang mag-imbestiga dahil nanatili na ring tikom ang bibig ng mga kapamilya ng nasabing biktima.