NAGA CITY – Patay ang isang lalaki matapos na pagbabarilin sa Candelaria, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Rico Rafols Fortunato, 37-anyos, residente ng Sitio Labak, Barangay Mayabobo sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang sakay nang kaniyang motorsiklo ang biktima patungo sa trabaho ng bigla na lamang dumating ang hindi pa nakikilalang suspek at pinagbabaril ang biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan si Fortunato na naging dahilan nang agaran nitong pagkamatay.

Samantala, narekober naman sa pinangyarihan ng krimen ang apat na piraso ng fired cartridge cases para sa caliber .45 na baril.

Sa kabila nito, napag-alaman na ang nasabing biktima ay nasangkot rin sa ilang insidente ng pagnanakaw ng electric cable at water pipes.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad lalo na ang pagtukoy sa posibleng pagkakakilanlan at kinaroroonan ng suspek.